Tuesday, February 5, 2008

Humihigpit na Humihigpit

ni

Melchor F. Cichon
February 5, 2008

Humihigpit na humihigpit
Ang silo sa leeg
Ni Mang Pandoy.

Pero sige pa rin
Ang pagsusumbat ni Manoy
Sa humihinang Mang Pandoy.

Imbes na tutulungan raw siya
Sa pagluluwag ng silo
Sa leeg ni Mang Pandoy
Tuloy-tuloy pa rin daw
Ang pagsisigaw ng mga kalaban niya
Sa Edsa, sa Mendiola:
Tama na! Sobra na!
Layas na! Now na!

Humihigpit na humihigpit
Ang silo sa leeg
Ni Mang Pandoy.

Ngunit naroon si Manoy
Sa Australia, sa Amerika
Humahalakhak
Kasama ang mga pinunong
Busog ang kanilang bulsa
Ang kanilang tiyan,
Ang kanilang kaluluwa.

Ngunit raroon siya
Sa lugar kung saan ang kanilang mithiin
Ay sa dulo lang ng kanilang daliri.

Batid niya kaya
Na sa bawat tulo ng kanyang pluma
Sa pagpipirma ng kuntrata
Ay pumipilipit sa leeg
Ng mga kababayan niya?

Paano ba mananalo
Ang bahaw-bahaw sa hamtik?
Papaano ba mananalo
Si Manny Pacquiao kay Andre the Giant?

Lalong humihigpit ang silo sa leeg
Ni Mang Pandoy.
Gaalipugsa, gawaeas,
Sumisigaw sa paos niyang boses:

Saan ang ulam at kanin
Sa bawat hapag namin?
Saan ang pirasong lupa
Na pinangako ninyo
Bago pa man bumulagta
Ang mga kasamahan namin sa Mendiola?
Bakit ginapos ang mga kamay
Ng mga peryodista
At itinulak sa loob ng bus
Patungong silda?

Oh, Trillanes, kailan ka lalaya?
Buhay pa ba si Kumander Pusa?
Tumutubo pa ba ang balbas ni Waling-Waling?
Nilunok na ba sila ng sigbin?

Ito ba ang aming biyaya
O pasalubong sa mga paglalakbay niya?

Humihigpit na humihigpit
Ang silo sa leeg ni Mang Pandoy.

Inay…Inay…Inay...nasaan ka?

No comments: